Pres. Benigno Aquino III deliver his SONA at Batasang Pambansa.
From wangwang, to corruption of the past governmet, to job opportunities, to armm election, to 1 billion coffee expenses of PAGCOR up to appointing a new ombudsman, Supreme Court Justice Conchita Carpio-Morales. This is what Pres. Aquino's 2nd SONA speech.
President Benigno Aquino III |
State of the Nation Address
of
His Excellency Benigno S. Aquino III
President of the Philippines
To the Congress of the Philippines
[Delivered at the Session Hall of the House of Representatives, Batasan Pambansa Complex, Quezon City on July 25, 2011]
Senate President Juan Ponce Enrile;
Speaker Feliciano Belmonte; Bise Presidente Jejomar Binay; mga dating
Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; Chief Justice
Renato Corona at ang ating mga kagalang-galang na mahistrado ng Korte
Suprema; mga kagalang-galang na kasapi ng diplomatic corps; mga miyembro
ng Kamara de Representante at ng Senado; mga Local Government
officials; mga miyembro ng ating Gabinete; mga unipormadong kasapi ng
militar at kapulisan; mga kapwa ko nagseserbisyo sa taumbayan;
At sa mga minamahal kong kababayan, ang aking butihing mga boss:
Humarap po ako sa inyo noong aking
inagurasyon at sinabing: Walang wang-wang sa ating administrasyon. At
ngayon, patuloy nating itinitigil ito. Naging hudyat at sagisag po ito
ng pagbabago, hindi lamang sa kalsada, kundi pati na rin sa kaisipan sa
lipunan.
Sa matagal na panahon, naging simbolo ng
pang-aabuso ang wang-wang. Dati, kung makapag-counterflow ang mga
opisyal ng pamahalaan, para bang oras lang nila ang mahalaga. Imbes na
maglingkod-bayan, para bang sila ang naging hari ng bayan. Kung makaasta
ang kanilang mga padrino’t alipores, akala mo’y kung sinong maharlika
kung humawi ng kalsada; walang pakialam sa mga napipilitang tumabi at
napag-iiwanan. Ang mga dapat naglilingkod ang siya pang nang-aapi. Ang
panlalamang matapos mangakong maglingkod—iyan po ang utak wang-wang.
Wala silang karapatang gawin ito. Ayon sa
batas, tanging ang Presidente, Bise Presidente, Senate President, House
Speaker, Chief Justice, pulis, bumbero, at ambulansya lang ang
awtorisadong gumamit ng wangwang para sa kanilang mga opisyal na lakad.
Kung sa trapiko nga ay ‘di masunod ang batas, paano pa kaya sa mga bagay
na mas malaki ang makukuha, tulad ng sa mga proyektong pinopondohan ng
kaban ng bayan?
Kayo po ba gusto ninyong makulong ang
lahat ng tiwali? Ako rin po. Gusto ba ninyong matanggal ang wang-wang,
hindi lamang sa kalsada, kundi sa kaisipang nagdulot ng baluktot na
sistema na pagkatagal-tagal na nating pinagtiisan? Ako rin. Gusto po ba
ninyong mabigyan ng patas na pagkakataon ang lahat na umasenso? Siyempre
ako rin po.
Narito po ang halimbawa ng resulta ng
ating kampanya kontra wang-wang sa sistema. Nitong taong ito, taumbayan
na mismo ang nagsabing nabawasan ang nagugutom sa kanila. Mula sa
20.5 percent na self-rated hunger noong Marso, bumaba na ito sa
15.1 percent nitong Hunyo, katumbas ng isang milyong pamilyang
Pilipinong nagugutom dati, pero ngayon ay nakakakain na nang tama kada
araw.
Sa larangan po ng negosyo, sino ba ang
nag-akalang pitong ulit nating malalampasan ang all-time-high ng stock
market? Ang dating 4,000 index na inaakalang hindi maaabot, o kung
maabot man ay pansamantala lang, ngayon, pangkaraniwan nang hinihigitan.
Kung dati napako na ang bansa sa mababang
credit ratings, itinaas ng Moody’s, Standard and Poors, Fitch, at Japan
Credit Ratings Agency ang ating ranking, bilang pagkilala sa ating
tamang paggugol ng pondo at sa malikhain nating pananalapi. Ang mataas
na credit rating, magpapababa ng interes sa perang inuutang natin.
Kumpara sa unang apat na buwan ng nakaraang taon, mas malaki po ng
23 billion pesos ang natipid nating interest payments mula Enero
hanggang Abril ng 2011. Maaari na po nitong sagutin ang dalawang milyon
at tatlongdaan libong benepisyaryo ng CCT hanggang sa katapusan ng 2011.
Paalala ko lang po, sa siyam at
kalahating taon bago tayo maitalaga sa puwesto, iisang beses lang tayong
nakatikim ng ratings upgrade, at anim na beses pang na-downgrade ng
iba’t ibang ratings agency. Sa isang taon pa lang po natin, apat na
beses na tayong nabigyan ng upgrade. Alam naman po natin na hindi
madaling ma-upgrade sa panahon ngayon. Itong mga ratings agency,
nabatikos na mali raw ang payo bago magkakrisis sa Amerika, kaya ngayon
ay mas makunat na sila sa pagbibigay ng magagandang ratings, at nakikita
nga natin ito sa sunud-sunod na pag-downgrade sa ibang mga bansa. Pero
tayo po, in-upgrade pa nila. Sang-ayon silang lahat: gumanda at lalo
pang gaganda ang ekonomiya ng Pilipinas. Isang hakbang na lang po, aabot
na raw tayo sa investment grade, at wala pong tigil ang ating economic
team upang tuluyan na tayong makaarangkada.
At may mabubuting balita pa pong
parating. Dahil wala nang wang-wang sa DOE, muling nabuhay ang
kumpiyansa ng mga namumuhunan sa ating energy sector. Patunay dito ang
isandaan at apatnapung kumpanya na nakahandang tumaya sa eksplorasyon at
pagpapalakas ng ating oil at natural gas resources. Sa huling energy
contracting round noong 2006, tatlumpu’t lima lang po ang nakilahok.
Nitong Biyernes lamang po, nilagdaan na ang panibagong kasunduan para sa
isang bagong power plant sa Luzon grid upang pagdating ng 2014, may mas
mura at mas maaasahang pagmumulan ng enerhiya ang bansa.
May kumpiyansa, may pag-asa, at tinutupad
po natin ang ating mga pangako. Naaalala ko nga po ang babaeng nakausap
ko nang ako’y unang nagha-house-to house campaign para sa akin pong
sarili. Ang kaniyang hinaing: “Miski sino naman ang manalo, pare-pareho
lang ang kahihinatnan. Mahirap ako noong sila ay nangangampanya; mahirap
ako habang nakaupo sila, at malamang mahirap pa rin ako pag nagretiro
na sila.” Sa madaling salita, ang hinaing po ng marami, “Walang pakialam
ang mga pinuno namin kahapon, wala silang pakialam ngayon. Bukas, wala
pa rin silang pakialam.”
Di po ba’t may katuwiran naman siya sa
pagsasabi nito, dahil sa pagwawang-wang sa mga ahensya ng gobyerno?
Wang-wang po ang pagbili ng helicopter sa presyong brand new, pero iyon
pala ay gamit na gamit na. Wang-wang din ang milyun-milyong pabuya na
tinanggap ng mga opisyal ng GOCC, tulad ng sa Philippine National
Construction Corporation, gayong hindi naman sila nakapaghandog ng
disenteng serbisyo, at ibinaon pa sa utang ang kanilang mga ahensya.
Bago sila bumaba sa puwesto, dalawandaan, tatlumpu’t dalawang milyong
piso po ang inomento ng dating pamunuan ng PNCC sa kanilang sarili. 2007
pa lang po, wala na silang prangkisa; lahat ng kikitain, dapat diretso
na sa pambansang gobyerno. Hindi na nga nag-abot ng kita, sinamantala pa
ang puwesto. Ang bonus nila mula 2005 hanggang 2009, dinoble pa nila sa
unang anim na buwan ng 2010. Ibinaon na nga po nila sa bilyun-bilyong
pisong utang ang kanilang tanggapan, nasikmura pa nilang magbigay ng
midnight bonus sa sarili.
Para po pigilan ang pagwang-wang sa kaban
ng bayan, sinuyod at sinuri natin ang mga programa. Dalawang magkasunod
na taon na po nating ipinatutupad ang zero-based budgeting, na
magsisilbing kalasag sa walang-saysay na paggastos.
Sa Laguna Lake po, magtatanggal nga—sabi
nila—ng 12 million cubic meters sa dredging, pero pagkatapos ng tatlong
taon, garantisado naman itong babalik. 18.7 billion pesos ang magiging
utang natin para lang maglaro ng putik. Hindi pa bayad ang utang,
nag-expire na ang pakinabang. Pinigilan po natin iyan. Ang
food-for-school program na bara-bara lang ang paghahanap ng
benepisyaryo, at iba pang inisyatibang pinondohan ngunit walang
pinatunguhan—binura na natin sa budget upang ang pera namang nalibre, ay
mailaan sa mga proyektong totoong may silbi.
Ang budget po ang pinakamalinaw na
pagsasabuhay ng ating tuwid na landas. Ang aking pahiwatig sa lahat ng
gusto pang ilihis tayo rito: Kung mang-aagrabyado ka lang ng mahirap,
huwag ka nang magtangka. Kung sarili mo lang ang papayamanin mo, huwag
ka nang magtangka. Kung hindi iyan para sa Pilipino, huwag ka nang
magtangka.
Sana masabi na natin na tapos na ang utak
wang-wang, pero nakikita po natin ang latak ng ganitong kaisipan na
pilit bumubulahaw sa aliwalas ng ating biyahe sa tuwid na landas.
Mukhang marami rin po kasi ang
nagwawang-wang sa pribadong sektor. Ayon sa BIR, mayroon tayong halos
1.7 million na self-employed at professional tax payers gaya ng mga
abogado, doktor, at negosyante na nagbayad lamang, sa suma total, ng
9.8 billion pesos noong 2010. 5,783 pesos lang ang ibinayad na income
tax ng bawat isa raw sa kanila, on average—ang ibig sabihin, kung totoo
po ito, ang kabuuang kita nila ay umaabot lang ng 8,500 pesos kada
buwan. Mababa pa sa minimum wage. Naman.
Nakikita naman po ninyong napupunta na sa
tama ang buwis ninyo, kaya wala na pong dahilan upang iwasan natin ang
pagbabayad. Nananawagan po ako sa inyo: Hindi lang po gobyerno, kundi
kapwa natin Pilipino ang pinagkakaitan sa hindi pagbabayad ng tamang
buwis.
Pinananagot at pananagutin po natin ang
wang-wang saanmang sulok ng gobyerno. Ang masakit, hanggang sa mga araw
pong ito, may sumusubok pa ring makalusot. Mayroon nga pong isang
distrito sa Region 4B, may proyektong gagastusan ng 300 million pesos.
Kaso hanggang 50 million pesos lang ang puwedeng aprubahan ng district
engineer.
Kaya naisip nilang i-chop-chop ang
proyekto para di lumampas sa 50 million pesos ang halaga, at di na
umabot sa regional at central office ang kanilang mga papeles.
Kani-kaniyang diskarte, kani-kaniyang kaharian ang nadatnan nating
situwasyon sa DPWH. Sinubukan nilang ipagpatuloy ang nakasanayan na
nila. Kadalasan, dahil sa lump-sum na pagbibigay ng pondo, wala nang
tanung-tanong kung ano ang plano at detalye ng proyekto. Miski yata—sabi
ng iba—bahay ng gagamba ang ipapatayo, bibigyan ng pondo, basta may
padrino.
Hindi ito pinalusot ni Secretary Babes
Singson. Tinanggal na niya sa puwesto ang district engineer. Pinigilan
din po ang pag-award ng proyektong ito para busisiin kung ano pang magic
ang nangyari. Masusi na ring iniimbestigahan lahat ng nagkuntsabahan.
Ang mga kontratistang mapatunayang nakipagsabwatan para mag-tongpats sa
mga proyekto, iba-black-list natin.
Tingnan nga po ninyo ang idinulot na
perhuwisyo ng pagwawang-wang sa sistema: Tuloy ang pagdusa ng mamamayang
dapat nakikinabang na sa proyekto ng bayan.
Hindi lang po iyan sa Region 4B
nadiskubre. Ngunit natigil na po ito dahil hindi na padrino kundi tamang
proseso ang naghahari sa DPWH. Hindi na puwedeng walang work program;
kailangang magpakita ng pinag-isipang plano para hindi magkasalungat ang
pagsasagawa ng mga proyekto. Malinis at hayag na ang bidding, at pantay
na ang pagkakataon sa pagpasok ng mga kontratista.
Sa sistemang pinaiiral ngayon sa DPWH,
nakatipid na tayo ng dalawa’t kalahating bilyong piso, at umaasa tayo na
aabot pa sa anim hanggang pitong bilyong piso ang matitipid sa taon na
ito. Ang pinakamahalaga po, nakakaasa na tayo sa mga kalsadang matino,
hindi ‘yung maambunan lang ay lulundo o mabibiyak agad. Paniwala natin
dati, imposibleng maitama ng DPWH ang sistema nila. Hindi lang po ito
posible; sa unang taon pa lamang, ginagawa na natin ito.
Kahit po sa mga bukirin, may mga
nagwawang-wang din. Bago tayo maupo noong 2010, nag-angkat ang bansa ng
2.3 million metric tons ng bigas. 1.3 million metric tons lamang ang
kailangan nating angkatin, ngunit pinasobrahan pa nila ito ng isang
milyong tonelada. Dahil nga sobra-sobra ang inangkat, kinailangan pa
nating gumastos muli sa mga bodegang pagtatambakan lang naman ng
barko-barkong bigas.
Ilang taon bang walang saysay na
pinasobrahan ang bigas na inaangkat? Dahil dito, umiral ang pag-iisip na
habambuhay na tayong aangkat ng bigas. Ang akala ng marami, wala na
talaga tayong magagawa.
Ngunit, sa loob lamang ng isang taon,
pinatunayan nating mali sila. Ngayon, ang dating 1.3 million metric tons
na kakulangan natin sa bigas, halos nangalahati na; 660,000 metric tons
na lang po ang kailangan nating angkatin. Kahit dagdagan pa natin iyan
ng panangga laban sa sakuna at gawing 860,000 metric tons—na ginagawa na
nga po natin—mas mababa pa rin ito sa tinatayang taunang kakulangan na
1.3 million metric tons.
At hindi po buwenas lang ang nangyaring
pag-angat ng ating rice productivity. Bunga po ito ng matinong
pamamalakad: ng paggamit ng maiinam na klase ng binhi, at masusi at
epektibong paggastos para sa irigasyon. Nito nga pong nakaraang taon,
labing-isang libo, anim na raan at labing-isang bagong ektarya ng
bukirin ang napatubigan natin. Dagdag pa iyan sa halos dalawandaan at
labindalawang libong ektarya na nakumpuni o nabigyang muli ng irigasyon
matapos ang panahon ng pagkakatiwangwang. Ang resulta: umangat ng
15.6 percent ang inani nating palay noong nakaraang taon.
Ang gusto nating mangyari: Una, hindi
tayo aangkat ng hindi kailangan, para lang punan ang bulsa ng mga
gustong magsariling-diskarte ng kita sa agrikultura. Ikalawa: ayaw na
nating umasa sa pag-angkat; ang isasaing ni Juan dela Cruz, dito
ipupunla, dito aanihin, dito bibilhin.
Balikan din po natin ang dinatnang
kalagayan ng ating mga kawal at kapulisan. Labingtatlong libong piso po
ang karaniwang suweldo ng isang PO1 sa Metro Manila. Apat na libong piso
daw rito ang napupunta sa upa ng bahay. Tila tama nga po na isang-katlo
ng kanilang sahod diretso na sa upa. Isang-katlo pa nito, para naman sa
pagkain. At ang natitirang isang-katlo, para sa kuryente, tubig,
pamasahe, pampaaral sa anak, gamot sakaling may magkasakit, at iba pa.
Maganda na nga po kung tumabla ang kita niya sa gastusin. Kapag naman
kinapos, malamang sa five-six po sila lalapit. At kapag nagpatung-patong
ang interes ng utang nila, makatanggi kaya sila sa tuksong
dumelihensya?
Kaya ang ipinangako nating solusyon
pabahay nitong Pebrero, ngayong Hulyo ay tinutupad na. Nakapag-abot na
po tayo ng apat na libong Certificate of Entitlement to Lot Allocation
sa magigiting nating kawal at pulis. Bahagi pa lang po ito ng target
nating kabuuang dalawampu’t isang libo at walong daang bahay sa
pagtatapos ng taong ito. Ang dating apat na libong ibinabayad para sa
upa kada buwan, ngayon, dalawandaang piso na lang, para pa sa bahay na
pagmamay-ari talaga nila. Ang dating nalalagas na halaga na pambayad sa
buwanang renta, maaari nang igugol para sa ibang gastusin.
Mayroon pa raw pong mahigit isang libong
bahay na natitira, kaya po sa mga pulis at sundalo nating di pa
nakakapagpasa ng kanilang mga papeles, last call na po para sa batch na
ito. Pero huwag po kayong mag-alala, sa susunod na taon, lalawak pa ang
ating pabahay, at hindi lang pulis at kawal sa Luzon ang makikinabang.
Inihahanda na ng NHA ang lupang patatayuan sa Visayas at Mindanao, para
sa susunod na taon, makapagpatayo na tayo ng mga bahay doon. Sa ating
mga kawani ng Bureau of Jail Management and Penology at Bureau of Fire
Protection, may good news pa rin po ako sa inyo: kasama na po kayo rito.
Kung seguridad na rin lang po ang ating
pag-uusapan, di ba’t karugtong din nito ang ating pambansang dangal?
Dati, hindi man lang natin makuhang pumalag tuwing may sisindak sa atin
sa loob mismo ng ating bakuran. Malinaw ang pahiwatig natin ngayon sa
buong mundo: Ang sa Pilipinas ay sa Pilipinas; kapag tumapak ka sa Recto
Bank, para ka na ring tumapak sa Recto Avenue.
Tama nga po kaya ang kuwento tungkol sa
isang stand-off noong araw? Tinapatan daw ang mga marino natin ng
kanyon. Ang ginawa nila noong gabi, pumutol ng puno ng niyog,
pininturahan ito ng itim, saka itinutok sa kalaban. Tapos na po ang
panahong iyan. Parating na ang mga capability upgrade at modernization
ng mga kagamitan ng ating Sandatahang Lakas. Literal na pong naglalakbay
sa karagatan papunta rito ang kauna-unahan nating Hamilton Class
Cutter, isang mas modernong barko na magagamit natin para mabantayan ang
ating mga baybayin. Maaari pa po tayong makakuha ng mga barkong tulad
nito. Idadagdag iyan sa kukunin na nating mga helicopter (plural po
iyon), patrol craft, at sandata na bultong bibilhin ng AFP, PNP, kasama
na ang DOJ upang makakuha ng malaking diskuwento. Lahat po ito,
makakamtan sa matinong pamamahala; mabibili sa tamang presyo, nang
walang kailangang ipadulas kung kani-kanino.
Wala tayong balak mang-away, pero
kailangan ding mabatid ng mundo na handa tayong ipagtanggol ang atin.
Pinag-aaralan na rin po natin ang pag-angat ng kaso sa West Philippine
Sea sa International Tribunal for the Law of the Sea, upang masigurong
sa mga susunod na pagkakataon ay hinahon at pagtitimpi ang maghahari
tuwing may alitan sa teritoryo.
Alam ko pong magbubunga ang pag-aarugang
ipinapamalas natin sa mga lingkod-bayan na nakatutok sa ating seguridad.
Mantakin po ninyo: sa unang anim na buwan ng 2010, umabot sa isanlibo
at sampung kotse at motorsiklo ang nanakaw. Ikumpara po natin iyan sa
apatnaraan at animnapung kotse at motorsiklong nanakaw mula Enero
hanggang Hunyo ng taong ito. Ang laki po ng naibawas di po ba? Malas ko
lang po siguro na ‘yung isa o dalawang kaso ng carnapping ang
nai-heheadline, at hindi ang pagbawas sa mga insidente nito o ang mas
mataas na porsyento ng mga nanakaw na kotse na naibalik na sa kanilang
mga may-ari.
Isa pa pong halimbawa ng pagbabagong
tinatamasa natin: Mayo ng taong 2003 nang lagdaan ang Anti-Trafficking
in Persons Act, pero dahil hindi sineryoso ng estado ang pagpapatupad
nito, dalawampu’t siyam na indibiduwal lamang ang nahatulan sa loob ng
pitong taon. Nalagpasan na po natin iyan, dahil umabot na sa tatlumpu’t
isang human traffickers ang nahatulan sa ating administrasyon. Ito nga
po siguro ang sinasabing “sea change” ni Secretary of State Hillary
Clinton ng Amerika. Dahil dito, natanggal na tayo sa Tier 2 Watchlist ng
Trafficking in Persons Report nila. Kung hindi tayo natanggal sa
watchlist na ito, siguradong napurnada pa ang mga grant na maaari nating
makuha mula sa Millenium Challenge Corporation at iba pa.
Dumako po tayo sa trabaho. Dagdag-trabaho
ang unang panata natin sa Pilipino. Ang 8 percent na unemployment rate
noong Abril ng nakaraang taon, naibaba na sa 7.2 percent nitong Abril ng
2011. Tandaan po natin: moving target ang nasa hanay ng ating
unemployed, dahil taun-taon ay may mga bagong graduate na naghahanap ng
trabaho. Nito nga pong huling taon, nadagdag pa sa bilang nila ang
libu-libong hawi boys, tagasabit ng banderitas, at iba pang mga
Pilipinong kumuha ng pansamantalang kabuhayan mula sa eleksyon. Ang
resulta po natin: Isang milyon at apatnaraang libong trabahong nalikha
nitong nakaraang taon, nagtatapos po ng Abril.
Dati, nakapako sa pangingibang-bansa ang
ambisyon ng mga Pilipino. Ngayon, may pagpipilian na siyang trabaho, at
hangga’t tinatapatan niya ng sipag at determinasyon ang kanyang
pangangarap, tiyak na maaabot niya ito.
Malaki pa po ang puwedeng madagdag sa
trabahong nalilikha sa ating bansa. Ayon pa lang po sa website nating
Philjobnet, may limampung libong trabahong hindi napupunan, napupunuan,
kada buwan dahil hindi tugma ang kailangan ng mga kumpanya sa kakayahan
at kaalaman ng mga naghahanap ng trabaho. Hindi po natin hahayaang
masayang ang pagkakataong ito; ngayon pa lang, nagtatagpo na ang
kaisipan ng DOLE, CHED, TESDA, at DEPED upang tugunan ang isyu ng job
mismatch. Susuriin ang mga curriculum para maituon sa mga industriyang
naghahanap ng empleyado, at gagabayan ang mga estudyante sa pagpili ng
mga kursong hitik sa bakanteng trabaho.
Ngunit aanhin naman po natin ang mga
numerong naghuhudyat ng pag-asenso ng iilan, kung marami pa rin ang
napag-iiwanan? Ang unang hakbang: tinukoy natin ang totoong
nangangailangan; namuhunan tayo sa pinakamahalaga nating yaman: ang taumbayan.
Sa dalawang milyong pamilyang rehistrado sa ating Pantawid Pamilyang
Pilipino Program, isang milyon at animnaraang libo na ang nakakatanggap
ng benepisyo nito. Sa pagpapakitang-gilas ni Secretary Dinky Soliman,
tinatayang may mahigit isandaang libong pamilya—uulitin ko po: mahigit
isandaang libong pamilya ang naiaahon natin mula sa kahirapan kada
buwan. Kaya naman mataas ang aking kumpiyansang makukumpleto ang
1.3 million na dagdag na pamilya, mula sa kabuuang 2.3 milyong target na
benepisyaryo ng CCT bago matapos ang taong ito. At sa compliance rate
nito na hindi bababa sa 92 percent, milyun-milyon na rin po ang inang
regular na nagpapacheck-up sa mga health center, ang mga sanggol na
napabakunahan, at ang mga batang hindi hinahayaan sa labas ng paaralan.
Simula pa lang po ito, at sa ganitong
kalinaw na mga resulta, umaasa ako sa suporta ng bawat Pilipino, lalo na
po ng lehislatura, sa mungkahi nating salinan pa ng pondo ang Pantawid
Pamilyang Pilipino Program. Inaasam po natin na bago matapos ang 2012,
tatlong milyong pamilya na ang mabibigyan ng puhunan para sa kanilang
kinabukasan.
Binibigyan natin ang mga maralitang
pamilyang ito ng pagkakataong makaahon sa buhay, dahil ang pag-asenso
nila ay pag-angat rin ng buong bansa. Sino ang tatangkilik sa mga
produkto at serbisyo ng mga negosyante, kung isang kahig, isang tuka
naman ang mamimili? Kapag may amang kumakapit sa patalim para may kainin
ang kanyang pamilya, at siya ay magnakaw o nangholdap, sino ba ang
puwedeng mabiktima ng krimen kundi tayo rin? Kung ang mga kababayan
natin ay walang maayos na pagkain o tahanan, mahina ang kalusugan at may
malubhang karamdaman, hindi ba’t tayo rin ang nasa peligrong mahawa sa
kanilang sakit?
Naglalatag po tayo ng pagbabago upang
mapatibay ang pundasyon ng maaliwalas na bukas para sa lahat. Halimbawa
po, sa kalusugan: di ba’t kapansin-pansin ang pagtaas ng bilang ng mga
benepisyaryo ng PhilHealth tuwing maghahalalan? Ngayon, sa pamamagitan
ng National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR),
tiniyak natin na ang limang milyon at dalawandaang libong pamilyang
Pilipino na nakikinabang sa PhilHealth ay ang talagang mga
nangangailangan nito. Malawakang pag-unlad at pag-asenso ng lahat: Iyan
po ang panata natin. Walang maiiwan sa tuwid na landas.
Tumungo naman po tayo sa ARMM. Ang dating
sistema: Nagbabatuhan lang ng huwad na utang ng loob ang mga baluktot
na kandidato. Kapag pambansang halalan, malaya ang nakaupo sa ARMM na
imane-obra ang makinarya sa kaniyang rehiyon para matiyak na bokya, o
sero, ang boto ng hindi kaalyado. Kapag naman eleksyon sa ARMM at
maniningil na ng utang si Mayor o Governor, ang administrasyon naman ang
magpapatakbo ng makinarya para manalo ang kanilang kandidato.
Ayon nga po sa naungkat ng COA, sa
opisina ng regional governor ng ARMM, mula Enero 2008 hanggang Setyembre
2009, walumpung—uulitin ko po: walumpung porsyento ng mga disbursement
ang napunta sa mga cash advance na wala namang maayos na paliwanag. Kung
hindi nawala ang pondong ito, nakatapos na sana ang isang batang sa
ngayon tumawid sa ghost bridge, para pumasok sa ghost school, kung saan
tuturuan siya ng ghost teacher. Kaawa-awang bata: walang humpay na
paghihirap, at walang pag-asa ng pag-asenso.
Gusto nating maranasan ng ARMM ang
benepisyo ng tamang pamamahala. Kaya ang atin pong minungkahing
solusyon: synchronization. Dahil dito, kailangan nilang tumutok sa
kani-kanilang mga kampanya; magiging mas patas ang labanan, at lalabnaw
ang command votes. Salamat po sa Kongreso at naipasa na ang batas na
magsasabay sa halalan ng ARMM sa halalang pambansa.
May nagtatanong po, bakit postponement
ang kailangan? Sa kagustuhang, siyampre, makabalik sa puwesto, nakahanda
ang ilan na ulitin ang nakagawian para manalo. Isipin na lang po ninyo
kung pumayag tayo sa kagustuhan ng mga kontra, at itinuloy natin ang
eleksyon. Wala po silang ibang gagawin sa loob ng dalawang taon kundi
paghandaan ang susunod na halalan at isiksik ang kalokohan nila sa mas
maigsing panahon. Habang nananatili sa puwesto ang mga utak wang-wang na
opisyal, naiiwan namang nakalubog sa kumunoy ng kawalang-pagasa ang
taumbayan.
Wala akong duda sa kahihinatnan ng mga
repormang inilatag na natin. Hindi po tayo nagbubukambibig lang; may
kongkretong resulta ang ating mga paninindigan. Kapag sinabi nating
tuwid na daan, may katapat itong kalsada sa Barangay Bagumbayan sa Sta.
Maria, Laguna. ‘Pag sinabi nating malinis na pamamahala, may dadaloy na
malinis na tubig sa mga liblib na lugar gaya ng nasa Barangay Poblacion,
sa Ferrol, Romblon. Kapag sinabi nating liwanag ng pagbabago, titiyakin
nating may liwanag na tatanglaw sa mga pamayanang dati ay nangangapa sa
aandap-andap na gasera, gaya ng ginawa natin sa Barangay San Marcos, sa
Bunawan, Agusan del Sur. Ganito na ang nangyayari sa marami pang ibang
lugar; pinipilit nating ito rin ang mangyari sa kabuuan ng Pilipinas.
Nakatutok na po ang iba’t ibang ahensya
ng gobyerno; nag-uugnayan at nagtutulungan sila upang maabot at
mapabilis ang mga solusyon sa mga problemang kaytagal nang pinapasan ng
bayan.
Di po ba’t may problema tayo sa baha, na
alam naman nating dulot ng walang humpay at ilegal na pagputol ng mga
puno? Ang dating solusyon: photo-op ng pagtatanim na ang tanging
benepisyaryo ay nagpapoging pulitiko. Nagtanim nga ng puno kontra-baha,
pero hindi naman siniguro na mananatiling nakatayo ang mga ito pag-alis
nila.
Isa sa mga solusyong hinahanda na po at
pinag-aaralan ay ang gawing kapaki-pakinabang sa mga pamayanan ang
pagbabantay ng puno. Bibigyan sila ng binhi ng kape at cacao para itanim
at mamunga ng kabuhayan. Habang hinihintay ang ani, makakakuha sila ng
stipend upang bantayan naman ang mga punong itinanim laban sa baha.
Puwedeng maging benepisyaryo ng programang ito ang mga informal
settlers, na ngayon ay nagkukumpulan sa siyudad. Mamumuhunan tayo sa
taumbayan, habang namumuhunan din sa kalikasan.
Noon bang isang taon, inisip kaya natin
na kaya nating gawin ito? Sa ngayon, tinutupad na natin ang ating mga
pangako. Bukas makalawa, katotohanan na ang lahat ng ating mga
pinangarap.
Marami pa pong malikhaing konsepto na
inilalapit sa atin, at ang atin pong ipinatupad na. May mosquito trap na
pinapatay ang mga kiti-kiti ng lamok, na siguro naman po ay may
kinalaman sa halos labing-apat na porsiyentong pagbaba ng insidente ng
dengue; may hibla ng niyog na itatapon na sana, pero puwede palang
murang solusyon sa mga daanang madaling mabitak; may landslide sensor na
magbababala kung tumaas na ang panganib na gumuho ang lupa; may mga
kagamitang magbibigay ng senyales kung malapit nang umapaw ang tubig sa
mga ilog. Lahat po nito, gawa ng Pilipino.
Pinag-aaralan na rin po ng DOST at UP ang
pagkakaroon natin ng monorail system, para tugunan ang problema sa
pangmalawakang transportasyon. Sa malikhaing pag-iisip ng kapwa
Pilipino, may pag-asa pala tayong magtayo ng light rail system nang
hindi hihigit sa 100 million pesos ang gagastusin kada kilometro. Sa
matitipid na pondo, mas mahabang kilometro ng riles ang mailalatag at
makaka-abot sa mga lugar na malayo sa sentro ng komersyo. Ang mga dating
sumisiksik sa siyudad para maghanap ng trabaho, maaari nang tumira sa
madyo mas malayo, nang hindi pahirapan ang biyahe.
Uulitin ko po: ang mungkahing ito ay
galing sa kapwa natin Pilipino, para sa Pilipinas. Naaalala po ba ninyo
ang panahon kung kailan ni hindi man lang maabot ng mga pangarap natin
ang ganitong mga proyekto? Ngayon, sinasabi ko po sa inyo: pinapangarap
natin ito, kaya natin ito, gagawin natin ito. Hindi ba tayo nagagalak,
Pilipino tayong nabubuhay sa mga panahong ito?
Sa kabila ng lahat ng ito, huwag po sana
nating lilimutin: masasayang lang ang lahat ng ating narating kung hindi
tuluyang maiwawaksi ang kultura ng korupsyon na dinatnan natin.
Sa mga kapwa ko empleyado ng sambayanan,
mula sa tuktok hanggang sa bawat sulok ng burukrasya: Di po ba’t
napakarangal na ngayon ang magtrabaho sa gobyerno? Di po ba’t ngayon, sa
halip na ikahiya, gusto mo pang isuot kung minsan ang iyong ID kung
sumasakay ka ng bus o jeep papasok sa iyong ahensya? Sasayangin po ba
natin ang karangalang kaloob sa atin ng sambayanan?
Iyan din po ang aking panawagan sa ating
Local Government Units. Kabilang po ako sa mga sumasang-ayon na kayo ang
pinaka-nakakaalam sa pangangailangan ng taumbayan sa inyong mga lungsod
at munisipyo. Makakaasa po ang ating mga LGU sa higit na kalayaan at
kakayahan, kung makakaasa rin tayong gagamitin ito sa tuwid na paraan,
at isasaalang-alang ang kapakanan ng buong sambayanan.
Halimbawa po, may ilang munisipyo na
naisipang magbuwis sa mga transmission lines ng kuryente na dadaan sa
kanilang mga pook. Magpapasok nga po ng kita sa kanilang lokal na kaban,
pero kapalit nito, tataas din ang gastusin ng mas nakararaming Pilipino
sa kuryente. Tiwala po akong kaya nating balansehin ang interes ng
inyong mga nasasakupan sa interes ng sambayanan.
Kailangan pong manatiling magkatugma ang
ating mga programa, dahil ang ikauunlad ng buong bansa ay manganganak
din ng resulta sa inyong mga pook. Wakasan na po sana natin ang agendang
nakatuon sa susunod na eleksyon lamang, at ang kaisipang isla-isla
tayong maihihiwalay ang sariling pagsulong sa pag-unlad ng bansa.
Tayo-tayo rin po ang dapat magtulungan
tungo sa kaunlaran. Malaki ang pasasalamat ko sa Kongreso sa pagpapasa
ng mga batas ukol sa GOCC Governance, ARMM Synchronization, Lifeline
Electricity Rates Extension, Joint Congressional Power Commission
Extension, Children and Infants’ Mandatory Immunization, at Women Night
Workers, at marami pa sigurong pasunod.
Noong isang taon nga po,
nagpakitang-gilas ang Kongreso sa pagpasa ng budget bago matapos ang
taon. Dahil dito, nasimulan agad ang mga proyekto at hindi na inabot ng
tag-ulan. Bukas na bukas po, ihahain na namin sa lehislatura ang budget
para sa susunod na taon. Umaasa po ako na muli kayong
magpapakitang-gilas, upang tuluyan na nating mapitas ang bunga ng mga
naitanim nating pagbabago.
Maganda na po ang ating nasimulan. Pero
mahalaga pong maalala natin: simula pa lang ito. Marami pa tayong
gagawin. Hayaan po ninyong ilatag ko sa Kongreso ang ilan sa mga batas
na magpapaigting sa pagtupad ng ating mga panata sa bayan.
Layon nating bigyan ng kaukulang
kompensasyon ang mga biktima ng Martial Law; ang pagkakaloob ng
makatarungang pasahod at benepisyo para sa mga kasambahay; at ang
pagpapatupad ng isang mas maayos na sistema ng pensyon para sa atin pong
mga kawal. Sinusuportahan din natin ang pagpapalawak ng sakop ng
scholarship na ipinagkakaloob ng DOST sa mahuhusay ngunit kapuspalad na
mag-aaral; ang pagtataguyod ng pinaigting na pangkalahatang kalusugan;
at ang pangangalaga sa ating kalikasan at sa mga pasilidad na titiyak sa
kaligtasan ng mga mamamayan sa oras ng sakuna.
Kabilang din po sa ating agenda ang
pagpapalakas ng BuCor, ng NBI, ng NEA, at pati na rin po ng PTV 4, upang
sa halip na mapag-iwanan ng kaalaman at panahon, mas maayos nilang
magagampanan ang kanilang pagbibigay-serbisyo sa publiko.
Hindi ko po nailagay ang lahat ng gustong
magpasali ng kanilang adbokasiya dito po sa SONA. Pero kumpleto po ang
detalye sa budget at budget message. Sa mga interesado po, pakibasa na
lang detalye doon.
May mga nagsasabing pinepersonal ko raw ang paghahabol sa mga tiwali. Totoo po:
Personal talaga sa akin ang paggawa ng tama, at ang pagpapanagot sa mga
gumagawa ng mali—sino man sila. At hindi lamang dapat ako ang
namemersonal sa usaping ito. Personal dapat ito sa ating lahat, dahil
bawat Pilipino ay biktima nito.
Ang mali—gaano katagal man ito
nanatili—ay mali pa rin. Hindi puwedeng “Oks lang”; hindi puwedeng “wala
lang iyan.” Kapag kinalimutan natin ang mga ito, mangyayari lang ulit
ang mga kamalian ng nakaraan. Kung hindi magbabayad ang mga nagkasala,
parang tayo na rin mismo ang nag-imbita sa mga nagbabalak gumawa ng
masama na kung puwede, uulitin ninyo ang ginawa ninyo.
Ang totoo nga po, marami pang kalokohan
ang nahalungkat natin—pero hindi na po magpapakahaba doon, bigyan ko na
lang kayo ng isang halimbawa. Sa PAGCOR: kape. Isang bilyong piso po ang
ginastos ng dating pamunuan ng ahensya para sa kape; sa isandaang piso
na lang po kada tasa, lalabas na nakakonsumo sila ng sampung milyong
tasa ng kape. Baka po kahit ngayong iba na ang pamunuan ng PAGCOR ay
dilat na dilat pa rin ang mata ng mga uminom ng kapeng ito. Hanapin nga
po natin sila, at matanong: nakakatulog pa po kayo?
Pagpasok ng bagong Ombudsman na si dating
Supreme Court Justice Conchita Carpio-Morales, magkakaroon tayo ng
tanod-bayan na hindi magiging tanod-bayad ng mga nagwawang-wang sa
pamahalaan. Inaasahan ko nga po na sa taon na ito, masasampahan na ng
kaso ang maraming nagkuntsabahan sa katiwalian, at naging sanhi ng
situwasyong ating inabutan. Tapos na rin po ang panahon kung kailan
nagsasampa ang gobyerno ng malalabnaw na kaso. Kapag tayo ang nagsampa,
matibay ang ebidensya, malinaw ang testimonya, at siguradong walang
lusot ang salarin.
Tutok po tayo na ang pagkakamit ng ganap
na katarungan ay hindi natatapos sa pagsasakdal kung hindi sa
pagkukulong ng maysala. Buo ang kumpiyansa ko na tinutupad ng Department
of Justice ang malaki nilang bahagi upang maipiit ang mga salarin, lalo
na sa mga kaso ukol sa tax evasion, drug trafficking, human
trafficking, smuggling, graft and corruption, at extrajudicial killings.
Wala pong tsamba: ang tapat at mabuting
pamamahala ay nanganganak ng mabuti ring resulta. Isipin po ninyo:
naipatupad natin ang mga ipinangakong serbisyo ng gobyerno, at
nakapaglaan pa ng sapat na pondo para sa mga proyekto nang hindi
kinailangang magtaas ng buwis.
Iyan naman po talaga ang plano: siguruhin
na patas ang laban; itigil ang panlalamang ng mga makapangyarihan; at
tiyakin na ang dating sistema kung saan nakikinabang ang iilan ay
magiging bukal ng oportunidad para sa lahat.
Tinutuldukan na po natin ang wang-wang:
sa kalsada, sa gobyerno, sa kalakhang lipunan. Ito po ang manganganak ng
kumpiyansa na magdadala ng negosyo; ito rin ang sisiguro na ang pondo
ng taumbayan ay mapupunta sa dapat nitong kalagyan: Imprastruktura na
titiyak sa tuluyang pag-angat ng ekonomiya at pagmumulan ng trabaho, at
serbisyong panlipunan na sisigurong walang mapag-iiwanan. Bubukas ang
marami pang pintuang pangkabuhayan sa pamamagitan ng turismo;
sisiguruhing hindi magugutom ang Pilipino sa pagpapalakas ng
agrikultura. Ang mga dating kinakaligtaan, bibigyang-puhunan ang
kinabukasan.
Magbubunsod ito ng siklo kung saan tiyak
na may pupuno sa mga nalilikhang trabaho, at may mga konsumer na lalong
magpapalago sa mga negosyo.
Batid ko po na hanggang ngayon ay may
kakaunti pang nagrereklamo sa ating estilo ng pamamahala. Nakita po
ninyo ang aming estilo, at ang kaakibat nitong resulta. Nakita po ninyo
ang estilo nila, at kung saan tayo nito dinala. Sa mga taong bukas ang
mata, maliwanag kung saan ang tama.
Ngayong tayo na ang nagtitimon sa
gobyerno, malinaw ang direksyong tinatahak ng ating bayan. Isang bansa
kung saan ang pagkakataon ay abot-kamay; kung saan ang mga
nangangailangan ay sinasaklolohan; kung saan may saysay ang bawat patak
ng pawis, bawat sandali ng pagtitiis, at bawat butil ng hinagpis na
dinaanan natin. Kung may gawin kang mabuti, may babalik sa iyong mabuti.
At kung may gawin kang masama, tiyak na mananagot ka.
Naaalala ko nga po ang isang ginang na
lumapit sa akin noong kampanya; ang babala niya, “Noy, mag-iingat ka,
marami kang kinakabangga.”
Tama po ang sabi niya: Tao pong may
agam-agam din ako kung minsan. Pero wala po akong alinlangang tumahak sa
tuwid na daan: Buo ang loob ko dahil alam kong nasa likod ko po kayo.
Salamat po.
Salamat po sa mga pari at obispo na
masinsinang nakikipagdiyalogo sa atin, katulad nina Cardinal Rosales at
Vidal. Di naman po kami ganoong kalapit ni Cardinal Rosales, pero
naniniwala akong ibinuhos niya ang lahat para mabawasan ang hindi
pinagkakaunawaan ng gobyerno at simbahan. Sa pagkahalal kay Archbishop
Palma, tagapagtanggol ng karapatang pantao at kalikasan, lalo pong
tumibay ang aking kumpiyansang ugnayan, at hindi bangayan, ang mabubuo
sa pagitan ng estado at simbahan.
Salamat din po sa ating Gabinete, na
walang kinikilalang panahon ng tulog o pahinga, maipatupad lang ang
pambansang agenda. Special mention po ang PAGASA, na tunay na ngayong
nagbibigay ng maaasahang babala.
At sa mga nasasagasaan po natin sa landas
ng katapatan at integridad sa pamamahala, ito naman po ang aking
masasabi: Pinili ninyo ang landas kung saan naaapi ang sambayanan.
Pinili naman namin ang landas na ipagtanggol ang taumbayan. Nasa tama po
kami; nasa mali kayo. Sa inyong magbabalik ng pang-aapi sa sambayan, hindi kayo magtatagumpay.
Sa lahat ng mga kasama natin sa tuwid na
daan: kayo ang lumikha ng pagkakataong baguhin ang dinatnan, at gawing
mas maganda ang ipapamana natin sa susunod na salinlahi ng mga Pilipino.
Kayo pong mga tsuper na pumapasada pa rin; kayong mga guro at
estudyanteng pauwi pa lang mula sa klase; kayong patuloy ang paglikha ng
mga obrang nagpapaalab sa apoy ng ating pagka-Pilipino; kayong mga
pulis, sundalo, kaminero, at bumbero; kayong mga marangal na magtrabaho,
sa Pilipinas man, sa gitnang dagat, o sa ibang bansa; kayong mga tapat
na kasama natin sa gobyerno, anumang probinsya o partido; kayong mga
Pilipinong nakikinig sa akin ngayon—kayo po ang lumikha ng pagkakataong
ito.
Lumikha po kayo ng gobyernong tunay na
nagtatrabaho para sa inyo. May limang taon pa tayo para siguruhing hindi
na tayo babalik sa dating kalagayan. Hindi tayo magpapadiskaril ngayong
napakaganda na ng resulta ng ating sinimulan.
Kapag may nakita tayong butas sa sistema,
huwag na po tayo magtangkang lumusot. Huwag na nating daanin sa
pakiusap ang madadaan sa pagsisikap. Tama na ang unahan, tama na ang
tulakan, tama na ang lamangan, dahil lahat naman po tayo ay makakarating
sa minimithi nating kinabukasan.
Tapusin na po natin ang kultura ng
negatibismo; iangat natin ang kapwa-Pilipino sa bawat pagkakataon. Bakit
po ang iba, ang hilig maghanap ng kung anu-anong pangit sa ating bayan?
At napakahirap—parang kasalanan—na magsabi ng maganda? Naalala pa po ba
natin noong huling beses tayong pumuri sa kapwa Pilipino?
Itigil na po natin ang paghihilahan
pababa. Ang dating industriya ng pintasan na hindi natin maitakwil,
iwaksi na po natin. Tuldukan na po natin ang pagiging utak-alimango;
puwede bang iangat naman natin ang magaganda nating nagawa?
Kung may nakita kang mabuti, huwag kang
magdalawang-isip na purihin ito. Kapag nakita mo ang pulis sa kanto,
nagtatrapik nang walang kapote sa ilalim ng ulan, lapitan mo siya at
sabihing, “Salamat po.”
Kung magkasakit ka at makita mo ang nars
na nag-aruga sa iyo, sa halip na magserbisyo sa dayuhan kapalit ng mas
malaking suweldo, pakisabi rin po, “Salamat po.”
Bago ka umuwi galing eskuwela, lapitan mo
ang guro mong piniling mamuhunan sa iyong kinabukasan kaysa unahin ang
sariling ginhawa; sabihin mo, “Salamat po”: Tulad ng aking gurong nasa
screen ngayon, Salamat po Ginang Escasa.
Kung makasalubong mo ang iyong kinatawan
sa kalsadang dati ay lubak-lubak (o wala), at ngayon ay puwede nang
daanan nang maaliwalas, lapitan mo siya at sabihing: “Salamat po.”
Kaya po, sa sambayanang Pilipino, ang
aking Boss na nagtimon sa atin tungo sa araw na ito: maraming, maraming
salamat po sa pagbabagong tinatamasa natin ngayon.
Buhay na buhay na ang Pilipinas at ang Pilipino.
No comments:
Post a Comment